Paglikha ng Inter-Agency Task Force, senyales ng ‘full commitment’ ng Pangulo sa Pederalismo – DILG
November 09, 2018

Ang pagbuo ng Inter-Agency Task Force on Federalism and Constitutional Reform ay senyales ng ‘full commitment’ ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pederalismo, ito ay ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.

Ayon sa opisyal, bilang head agency na naatasan ng Pangulo na itaguyod ang pagpalit ng sistema ng gobyerno, masaya sila sa paglikha ng  naturang inter-agency task force.

Sinabi ni Año, ito ay isang malinaw na ebidensya na ang Pangulo ay totoo sa kanyang pangako para sa matagalang pagbabago sa bansa.

Inaasahan umano ng DILG na tataas pa ang suporta ng publiko sa pederalismo bago matapos ang kasalukuyang taon sa pagbuo ng naturang task force.

Matatandaan na nitong Oktubre 31 ng kasalukuyang taon, nagpalabas ang Malacañang ng Memorandum Circular No. 52 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, na lumilikha sa inter-agency task force upang palawakin ang kaalaman ng publiko sa usapin.

Sa pamumuno ng DILG at sa Vice-Chairmanship ng Department of Justice (DOJ), ang naturang task force ay binubuo ng Office of the Cabinet Secretary, Presidential Management  Staff (PMS), Presidential Communications Operations Office (PCOO), Office of the Presidential Spokesperson, Presidential Legislative Liaison Office, Office of the Political Adviser, Commission on Higher Education (CHED), Development Academy of the Philippines (DAP), at University of the Philippines Law Center.

Naatasan din ito na makipag-ugnayan sa kongreso upang tanggalin ang lahat ng nakakasagabal sa “constitutional reform”. | ulat ni Ched Oliva