Pagpapa-recall ng DFA sa PH ambassador sa Canada, mga consuls nito, mensahe sa Canada na dapat kunin na nito ang kanilang basura 
May 16, 2019

Dapat mapagtanto ng Canada na seryoso ang Pilipinas sa pagpupursige nitong hakutin ng mga ito ang kanilang mga basura sa bansa.

Ito ang binigyang-diin ngayon ng Palasyo ng Malacañang, kasunod ng ginawang pagpapauwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Philippine Ambassador to Canada pabalik ng bansa.

Ito’y matapos na hindi makatugon ang Canada sa May 15 deadline, na siyang petsa para simulang hakutin ng Canada ang kanilang mga basura.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang hakbang ng DFA ay dapat mabasa ng Canada na isang malakas na mensahe mula sa gobyerno ng Pilipinas, na hindi dapat balewalain ang isyu sa basura.

Simple lang naman ayon kay Panelo kung tutuusin, para mabilis na mahakot ang mga basura dito sa Pilipinas.  Ikumpas lang ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau ang kanyang kamay, at mula doo’y tiyak aniyang masisimulan na ng kanyang mga opisyal ang hakbang para maibalik ang mga itinapon nila magmula pa noong 2014. | ulat ni Alvin Baltazar