Pagsibak kay Sec. Duque, hiniling ni Acosta at mga kaanak ng biktima ng Dengvaxia
November 08, 2018

Umaapela na kay Pangulong Rodrigo Duterte si PAO Chief Atty. Percida Acosta at mga biktima ng Dengvaxia, na sibakin na sa pwesto si Health Secretary Francisco Duque.

Ang panawagan ay ginawa ni Atty. Acosta ng malaman na tuloy pa rin ang pagturok ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia sa kabila ng pagiging kontrobersiyal nito.

Sa media forum sa Quezon City, sinabi ni Atty. Acosta na huwag nang magtago sa saya ng Pangulo si Duque, bagkus ay kusa nang bumaba sa kanyang pwesto.

Tatanawin aniya na malaking utang na loob ng mga magulang na namatayan ng mga anak kapag ginawa agad ang pagsibak sa kalihim.

Hanggang ngayon kasi hindi pa inilalabas ni Duque ang masterlist ng lahat ng naturukan ng anti-dengue vaccine at patuloy aniya itong itinatago. | ulat ni Rey Ferrer