Pagsusulong ng ilang PMA alumni na tanggalin sa alumni roster si Sen. Trillanes, reflection ng kabuuang sentimyento ng AFP – Palasyo
September 14, 2018

Naniniwala ang Malacañang na reflection ng kabuuang sentimyento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ‘advertisement’ sa isang pahayagan kung saan isinusulong na tanggalin sa alumni roster ng Philippine Military Academy si Sen. Antonio Trillanes IV.

Ito ang naging reaksiyon ng Palasyo matapos hilingin ng Mindanao-based Philippine Military Academy Alumni Association Inc. – Eagle Fraternal Chapter ang expulsion ni Trillanes mula sa asosasyon.

Ayon sa grupo hindi nila nagustuhan ang inaasal ng mambabatas na nagsimula sa tangkang kudeta noong taong 2003, pangunguna sa Manila Peninsula Seige at ngayon naman ay tila walang paggalang sa tanggapan ng Pangulo ng Pilipinas.

Dagdag pa ng PMAAI-Eagle Fraternal Chapter, isa umanong kahihiyan si Trillanes para sa PMA dahil sinisira nito ang imahe ng akademiya sa hindi nito pagsunod sa PMA motto kung saan nakalagay ang ‘courage, integrity and loyalty.’

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, kumpiyansa silang wala pa ring lamat sa chain of command sa kabila ng sinasabi ni Trillanes na maraming mga sundalo ang sumosuporta sa kanya.

Magugunitang bago maging Senador ay miyembro si Trillanes ng PMA Marilag class of 1995. | ulat ni Alvin Baltazar