Reaksyon ni Panelo sa mungkahing drug test mula Grade 4 hanggang College, ikinatuwa ng PDEA
November 09, 2018

Ikinagalak ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino ang pahayag na suporta ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa mungkahi ng PDEA na isailalim sa mandatory drug testing ang mga estudyate mula grade 4 hanggang college.

Ang kanyang pahayag umano ay nagpapakita ng isang positibong hakbang tungo sa kampanya ng pamahlaaan laban sa iligal na droga.

Ayon kay Aquino, ang isinusulong ng PDEA na mandatory at surprise drug testing sa mga estudyante ay bahagi ng hollistic approach ng PDEA, upang mapigilan ang paglaganap ng iligal na droga sa paaralan at mailigtas ang kabataan sa masamang epekto nito.

Ang hakbang ng PDEA ay ginawa base sa ulat, kung saan 1,820 minors na kanilang naaresto at na-rescue mula 2016 hanggang sa kasalukuyan ay nasasangkot sa iligal na droga na karamihan ay mga pushers, pinakabata ay anim na taong gulang.

Patunay lamang ito na ang pagkalat ng iligal na droga sa hanay ng mga estudyante ay umabot na sa lebel na nakakaalarma at nakakabahala.

Kailangan na dito ang seryoso at agarang interbensyon ng PDEA at iba pang ahensya ng gobyerno.

Nagpasalamat din si Aquino sa SWS survey kung saan mayorya ng mga Pinoy ay pumapayag na isulong ng PDEA ang programa.  | ulat ni Rey Ferrer