Palasyo, naniniwalang makakabawas ang “Work from Home Law” sa grabeng problema ng bansa sa traffic
January 12, 2019

Positibo ang Malacañang na makakatulong sa pagbawas sa problema sa trapiko ang bagong batas na nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte para makapagtrabaho kahit nasa bahay lang ang mga empleyado mula sa pribadong sektor.

Ito ay ang Republic Act 11165 o ang Telecommuting Act.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sa sandaling maging epektibo ang batas ay makabawas ito sa problema sa trapiko dahil hindi na makikipagsiksikan sa kalsada ang mga pumapasok sa mga opisina.

Kaugnay nito’y pinasalamatan ng Malacañang ang mga mambabatas na nagsulong at nagpasa sa batas, dahil mayroon na aniyang alternatibo at opsiyon ang mga manggagawa sa private sector.

Sa ilalim ng batas, makakakuha ng patas na pagtrato ang mga manggagawang magtatrabaho mula sa kanilang tahanan gayung kaparehong benepisyo ang matatanggap ng mga mag a-avail ng home work at ang mga magtutungo pa rin sa kani-kanilang mga opisina.

Sinabi ni Panelo na tiwala silang maayos na maipapatupad ng Department of Labor and Employment ang batas para sa kapakanan ng mga manggagawa mula sa pribadong sektor.  | ulat ni Alvin Baltazar