Palasyo: Pagbibigay ng puwesto sa mga inindorso ng administrasyon na di nanalo, nasa pagpapasya ng Pangulo
May 16, 2019

Nasa Pangulong Rodrigo Duterte na ang pagpapasya kung bibigyan nito ng puwesto ang ilan sa mga inindorso nitong tumakbo sa Senado, pero hindi pinalad.

Sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi niya alam kung ano ang pinaplano ng Chief Executive sa mga hindi susuwertihing makapasok sa Magic 12.

Nasa Presidente, ani Panelo, ang desisyon kung ano ang susunod na kabanata sa mga inindorso ng Punong Ehekutibo na sa partial, official o unofficial tallies ng mga boto ay hindi pumapasok sa first 12.

Ganunpaman, iginiit ng tagapagsalita ng Pangulo na kahit hindi mai-appoint sa puwesto ang sinuman sa mga kaalyado, ay maaari namang makapanilbihan ang mga ito sa bayan.

Ilan sa mga kandidatong nakatanggap ng endorsement ng Presidente na malayo sa Magic 12 ay sina dating Maguindanao 2nd District Representative Zajid Mangudadatu, dating DILG Secretary Rafael Alunan, at music icon na si Freddie Aguilar. | ulat ni Alvin Baltazar