Palasyo, pinuri ang Kongreso sa pagpasa sa ‘Work from Home’ law
January 11, 2019

Pinuri ngayon ng Palasyo ang Kongreso sa ginawa nitong pagpasa ng Republic Act 11165 o ang Telecommuting Act na ‘Work from Home Scheme’ para sa mga nasa pribadong sektor.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang pagpirma ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Telecommuting Act ay maituturing na pagkilala sa makabagong workforce mula sa hanay ng mga manggagawang Pilipino.

Batay sa itinatakda ng batas, maaaring magkaroon ng arrangement ang mga nagtatrabaho sa pribadong sektor sa kanilang mga employers upang gawin na lamang ang kanilang trabaho sa kani-kanilang mga tahanan o alinmang lugar, sa pamamagitan ng telecommunication o computer technologies.

Boluntaryo ang “Work from Home Scheme” na mapag-uusapan ng empleyado at employer na nakabase sa kung ano ang kanilang magiging set-up.

Kaparehong benepisyo, suweldo at overtime pay din ang makukuha ng mga magtatrabaho sa “Work from Home Scheme” batay na rin sa itinatakda ng Labor Code.  | ulat ni Alvin Baltazar