Pamahalaan, alam na ang dapat na aksyon sa vessel collision sa WPS
June 13, 2019

Alam ng administrasyon kung ano ang dapat na gawing aksyon sa insidente ng vessel collision sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang tugon ng Palasyo sa pahayag ni dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, na dapat gawing accountable ang liderato ng China sa nangyaring paglubog ng Filipino vessel makaraan itong bumangga sa isang Chinese vessel.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi na kailangan pang sabihin ni del Rosario kung ano ang dapat gawin ng pamahalaan.

Dapat aniya ay ginawa na nila ang suhestiyon nito noong panahong sila pa ang nakaupo sa pwesto.

Matatandaan na una nang naghain ng diplomatic protest ang Pilipinas sa China kaugnay sa pinakahuling insidente sa West Philippine Sea.

Sinabi rin ni Panelo na lahat naman ng option ay ikinukunsidera ng gobyerno, at alam naman ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin ang mga dapat gawin. | ulat ni Racquel Bayan