Pamahalaang lungsod ng Davao, balak gawing debt-free ang lungsod
November 08, 2018

Target ng pamahalaang lungsod ng Davao na gawing debt-free sa susunod na dalawang taon ang lungsod.

Ang pahayag na ito ni Davao City Mayor Sara Duterte ay kaugnay ng pagkilala sa Davao City bilang isa sa pinakamayamang siyudad sa bansa noong taong 2017.

Sa kabila ng pagkilalang ito, binigyang diin ni Mayor Inday na kanilang pinagsisikapan na siguruhing matukoy at maabot ang mga naghihikahos sa buhay at maialis mula sa kahirapan.

Kapag nangyari ito anang Alkalde, doon pa lamang nila mararamdaman ang kaligayahan, bilang isa sa mga pinakamayamang siyudad sa buong Pilipinas.

Gayunpaman, ipinagmamalaki aniya ng mga Dabawenyo na napabilang ang siyudad sa top 10.

Sinabi ng alkalde, na maituturing itong isang malaking bagay patungkol sa magandang hinaharap ng mga siyudad sa labas ng Luzon, partikular na ang mga galing sa Mindanao. | ulat ni Dang Sabdani – Radyo Pilipinas Davao