Pangulo kay Mayor Sara: Huwag magpabuyo sa mga panawagang tumakbong Presidente sa 2022
June 13, 2019

Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Davao city Mayor Sara Duterte-Carpio, na huwag magpabuyo sa mga panawagang nanghihimok sa kanya upang tumakbo sa pagka-Presidente.

Sa naging talumpati ng Chief Executive sa Cagayan de Oro City kagabi, inihayag nitong sinabihan na niya ang kanyang anak na mas makabubuting huwag magpadala sa mga espekulasyon na ito’y tatakbo sa pagka-Pangulo.

Mababastos lang aniya si Mayor Sara, at hindi nito makokontrol ang gagawing pagyurak at kawalan ng respeto ng mga kalaban, gaya halimbawa ng mga pulitikong wala nang ginawa, kundi ang pumuna ng pumuna gaya ni outgoing Senator Sonny Trillanes.

Kung siya nga ang tatanungin, sinabi ng Pangulo na labis niyang pinagsisisihan ang naging desisyon niyang tumakbo noong 2016 presidential elections.

Kaya, payo sa anak na alkalde, huwag nang magtangkang tumakbo sa 2022, sa harap ng mga naglulutangang tatakbo ito sa pagka-pangulo tatlong taon mula ngayon. | ulat ni Alvin Baltazar