Payo ng Palasyo sa Simbahang Katolika: Buksan ang mga mata at unawaing mabuti ang mensahe ng Pangulo sa mga talumpati nito
January 12, 2019

Kailangan lang buksan ng Simbahang Katolika ang mga mata nito upang maarok at maunawaan ang nilalaman ng ibig sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga talumapti nito.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung lalawakan lang ng mga taga-simbahan ang kanilang pang-unawa ay mapagtatanto nilang tama lang ang mga nilalabas na sentimyento ng Presidente sa kanyang mga talumpati.

Dagdag ni Panelo, nirerespeto din ng Chief Executive ang pananampalatayang Kristiyano at sa katunayan, ilang mga hakbang na ang ginawa mismo ng Pangulo upang ipakita ang paggalang nito sa Christian faith.

Ilan na aniya dito ang paglagda ng Republic Act No. 11163 o ang National Bible Day Act na kumikilala sa halaga ng Bibliya, na itinuturing na pundasyon ng pananampalatayang kristiyano.

Bukod dito ay nakiisa din aniya ang Pangulo sa kamakailang pista ng itim na Nazareno, na dito’y ipinaabot pa nito ang kanyang paghanga sa debosyon at tibay ng pananampalatay ng mga deboto.

Pero kung makakatikim aniya ang Presidente ng mga birada mula sa simbahang Katolika, kailangan din naman ani Panelo na maging handa ang simbahan kung bubuwelta sa kanila ang Pangulong Duterte. | ulat ni Alvin Baltazar