PCG sa publiko: Huwag sumakay sa kolorum na bangka
April 16, 2019

Umapela ang Philippine Coast Guard (PCG) sa publiko na huwag na huwag tatangkilikin ang mga kolorum na mga bangka.

Ang pahayag ay kaugnay sa pagdami ng mga taong bumabiyahe ngayong panahon ng Semana Santa.

Sa panayam kay Captain Armand Balilo, ang tagapagsalita ng PCG, may mga ulat aniya hinggil sa mga bangkang kolorum na sinasamantala ang holiday rush.

Pero aminado si Balilo na hirap ang PCG na i-monitor ang mga pampasaherong bangka na hindi rehistrado.

Kaya naman hiling ng PCG sa mga pasahero, ani Balilo, na huwag sasakay sa mga kolorum na mga bangka upang maiwasan ang anumang kapahamakan.

Pangunahing hangad aniya ng PCG ang kaligtasan ng mga mananakay, lalo ngayong panahon ng Kwaresma.

Sakali namang may mahuli ang PCG na kolorum na mga bangka, sinabi ni Balilo na huhulihin nila ang bangkero at mai-impound ang bangka.

Samantala, sinabi ni Balilo na fully-booked na ang mga barko sa North Port Manila.  Pero may chance passengers pa rin doon na nagbabaka-sakaling makakuha ng tiket pauwi sa mga lalawigan.

Pumalo naman sa 97,233 ang bilang ng outbound passengers sa iba’t ibang pantalan sa buong bansa, batay sa pinakahuling datos ng Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa.  | ulat ni Lorenz  Tanjoco