PCOO, hiniling sa KBP na itaguyod ang mga programa ng administrasyon lalo na ang National ID system
November 09, 2018

Hinimok ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na tumulong sa pagpapakalat at pagtataguyod sa mga programa ng Duterte administration partikular sa implementasyon ng National Identification system.

Ginawa ni Andanar ang panawagan sa Top Level Management Conference ng KBP sa Marriott Hotel Manila, kung saan pinasalamatan din niya ang media organization dahil sa mga ginagawa nito para sa mga mamamayan.

Muli ding tiniyak ni Andanar na patuloy ang Presidential Communications Office sa pagsusulong para sa mas ligtas na kapaligiran para sa mga manunulat at brodkaster.

Kaugnay nito ay ipinagmalaki ni Andanar na sa nakalipas na dalawang taon ay naging mas ligtas ang mga mamamahayag sa bansa, dahil na din sa pagbuo ng Duterte administration sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na nangangalaga sa kapakanan ng media at tututok din sa kaso ng mga napaslang na media sa mga nakalipas na administrasyon.

Sisimulan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang registration ng isang milyong indibidwal sa ilalim ng Unconditional Cash Transfer sa March 2019.

Samantala, namahagi din si Andanar ng handbook ng Personal Security Measures for Media Practitioners na published ng PTFoMS.  | ulat ni Alvin Baltazar