PCOO, tuloy-tuloy na ikinakampanya ang Pederalismo at anti-disinformation
December 06, 2018

Tuloy ang mini-caravan ng Presidential Communications Operation Office (PCOO) sa buong bansa para makausap ang iba’t ibang press clubs.

Sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar na unang napuntahan ng kanilang grupo ang Cagayan de Oro, Cebu at mga media organizations sa Metro Manila.

Ayon kay Andanar, layon ng nasabing caravan na maiparating ang mga kampanya tulad ng paglaban sa disinformation at mamigay ng mga media handbook for personal security na handog ng Presidential Task Force on Media Security o PTFoMS.

Kinumpirma din ni Andanar na kasama sa kanilang caravan ang information campaign hinggil sa Pederalismo na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaang bilang communications agency ng pamahalaan, sinabi ni Andanar na isa sa mga tinututukan ng PCOO katuwang ang binuong PTFoMS ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa, na isa sa mga nangungunang kautusan ni Pangulong Duterte nang magsimula ito sa pagkapangulo.  | ulat ni Alvin Baltazar