Phil.Red Cross, maglalagay din ng emergency field medical tents sa ilan pang hospital sa MM para sa mga may tigdas
February 17, 2019

Tiniyak ng Philippine Red Cross na maglalagay pa ito ng mga emergency field medical tent sa dalawang Hospital sa Quezon City at isa sa Caloocan City na sinasabing nagsisikip na rin sa mga pasyenteng may sakit na tigdas.

Ito ay tugon ng Red Cross sa kahilingan ng mga hospital na maglagay din ng Emergency Medical Units o outdoor hospitals na katulad ng inilagay nito sa San Lazaro Hospital sa Maynila.

Ang paglalagay ng mga airconditioned emergency field medical tents ay suporta ng Red Cross sa pamahalaan sa pagtugon sa tumataas na kaso ng sakit na tigdas sa bansa.

Una nang nag set up ng 20 bed at 50 bed Emergency Medical Units sa dalawang hospital sa Maynila ang PRC kasunod ng deklarasyon ng Department of Health (DOH) ng measles outbreak sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Pinangangasiwaan ito ng mga volunteer doctor at nurses mula sa local chapters at partner institutions. | ulat ni Rey Ferrer