PIA Employees Association, suportado ang PCOO sa  pagsisiyasat ng katiwalian sa ahensya
June 13, 2019

Malugod na tinatanggap ng samahan ng mga empleyado ng Philippine Information Agency (PIA) ang naging hakbang ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, na magsagawa ang tanggapan nito ng malalimang imbestigasyon tungkol sa isyu ng korapsiyon sa PIA.

Sa inilabas na statement ng PIA Employees Association, inihayag nito na welcome sa kanila ang inisyatibo ng PCOO na mamagitan na sa nangyayaring krisis sa kasalukuyan sa ahensiya.

Masyado na aniyang nakakaladkad sa hindi magandang sitwasyon ang magandang pangalan ng PIA, na ayon sa PIAEA ay kailangan nang matuldukan.

Sa harap nito’y umaasa naman ang mga empleyado ng Philippine Information Agency, na magiging patas ang ikinakasang pagsisiyasat, at matiyak na walang kikilingan na sinumang indibidwal upang masiguro na mapo-protektahan din naman ang karapatan ng mga manggagawa sa PIA.

Sumasailalim ngayon sa imbestigasyon si PIA Director Harold Clavite, kaugnay ng umano’y kinasasangkutan nitong iregularidad sa ahensiya, gaya ng splitting of contracts, misuse of funds for hotel accommodation, at umano’y katiwalian sa produksiyon ng information materials. | ulat ni Alvin Baltazar