PNP Chief, makikipagdiyalogo sa PNPA cadets ngayong umaga
November 09, 2018

Pupunta si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite ngayong umaga, para makipagdiyalogo sa mga kadete.

Magugunitang pumutok kamakailan ang kontrobersiya sa PNPA, kung saan inutusan umano ang dalawang junior cadets ng isang senior cadet na mag-oral sex sa kanyang harapan, habang nanoonood ang dalawang iba pang senior cadets.

Ito ay matapos ang naganap na insidente noong Marso ng taong ito, kung saan pinagtulungan umano ng mga junior cadet na bugbugin ang ilan sa kanilang upperclassmen pagkatapos ng graduation ceremony.

Una nang inihayag ng PNP Chief, na hindi niya pahihintulutan ang ganitong pagkilos ng mga kadete.

Hindi aniya tama na kadete pa lamang ay umiiral na sa kanilang kaisipan ang kultura ng karahasan.

Kung ganito aniya ang mentalidad ng mga kadete, paano pa pag pulis na sila.

Ayon sa PNP Chief, sa oras na maibalik na sa pamamahala ng PNP ang PNPA, ay paiiralin nila ang military discipline sa akademiya upang maging maayos ang training ng mga kadete. | ulat ni Leo Sarne