Posibleng maging kapalaran ni dating PhilHealth OIC Ferrer sa isyu ng pekeng dialysis claim, inilahad ng Palasyo
June 12, 2019

Dalawang senaryo ang maaaring kahinatnan ni dating Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) OIC President Roy Ferrer sa sandaling matanggap na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inihain nitong courtesy resignation.

Kaugnay pa rin ito ng umano’y ghost dialysis treatment scandal na ikinanta ng dalawang whistle blowers na mga dating empleyado ng Wellmed Dialysis Center.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na batay sa kanyang pagkakarinig sa sinabi ng Pangulo sa kamakalawang Cabinet meeting, isa ang posibilidad na maibalik si Ferrer sa puwesto.

Ang isa naman ay baka mabigyan ito ng panibagong posisyon sa labas ng PhilHealth.

Pero pagbibigay-diin ni Panelo, ang anumang magiging desisyon ng Chief Executive ay ibabase sa kalalabasan ng isinasagawang imbestigasyon ng NBI.

Matatandaan na sa kainitan ng pagputok ng kontrobersiya sa ghost claim ay nagsabi ang Pangulong Duterte na ni katiting na bahid ng pagdududa sa integridad ni Ferrer ay wala sa kanyang isipan.  | ulat ni Alvin Baltazar