SAP Go, pinatatanggal ang signages na humihikayat sa kanyang kumandidato sa 2019 elections
July 12, 2018

Umapela si Special Assistant to the President Bong Go sa kanyang mga tagasuporta na tanggalin ang mga poster at tarpaulin na nanghihikayat sa kanya upang siya’y tumakbo sa Senado sa susunod na taon.

Ayon kay Go, hindi siya interesado at hindi niya kailangang tumakbo gayung may trabaho naman siya na kanyang pinagkakaabalahan at ito ay ang tumulong sa kapwa.

Panawagan ni Go sa kanyang mga tagasuporta, gamitin na lamang ang kanilang resources para sa mga nangangailangan sa halip na gugulin ito sa mga billboard at tarpaulin bilang bahagi ng panliligaw sa kanya upang suungin ang pagkandidato.

Kaysa aniya gastusin ng kanyang mga tagasunod ang kanilang pera sa signages, ipambili na lang ito ng plywood upang matulungan ang mga naging biktima ng sunog para may maitayong tahanan.

Paglilinaw pa ni Secretary Go, wala siyang kinalaman sa mga billboard at poster na nananawagan sa kanyang tumakbo bilang senador.

Pakiusap ni Go sa mga naniniwala sa kanyang kakayahan, tanggalin ang mga ipinakalat na tarpaulin gayung wala naman aniya siyang planong pumasok sa mundo ng pulitika. | ulat ni Alvin Baltazar