Satur Ocampo, ayaw nang makita ng mga Lumad sa kanilang ancestral domain
December 07, 2018

Mistulang idineklarang “persona non-grata” ng mga katutubo si dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo nang kanilang ihayag na ayaw na nilang makita si Ocampo sa kanilang ancestral domain.

Ito’y matapos na kondenahin ng tribal elders sa Mindanao ang umano’y pag-kidnap ng grupo ni Satur Ocampo ng 14 na menor de edad na mag-aaral sa Talaingod, Davao del Norte.

Ang pagkondena sa ginawa ng grupo ni Satur Ocampo ay nakasaad sa isang resolusyon na pirmado ng 51 tribal elders mula sa 18 tribo ng katutubo sa Mindanao.

Ang naturang resolusyon ay iprinisinta ng mga tribal elders sa isang press conference sa Camp Aguinaldo na pinangunahan ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato kahapon.

Sa naturang press conference, sinabi ni Datu Joel Unad ang chairman ng Mindanao Indigenous People Conference For Peace and Development na bukod sa ayaw na nilang makita si Satur sa kanilang lugar, ayaw na rin nilang magpatuloy ang operasyon ng 73 Salugpungan learning centers sa CARAGA Region.

Ito’y matapos na mapatunayan na ginagamit ng CPP-NPA ang naturang mga learning centers sa pagkundisyon ng utak ng mga kabataang katutubo, para ma-recruit sila sa kilusang komunista.  | ulat ni Leo Sarne