Sen. Pangilinan, tinawag ng Pangulo na may greatest disservice sa Senado
January 11, 2019

Very fatal para kay Pangulong Rodrigo Duterte na nasa Senado si Senador Francis Pangilinan.

Ayon kay Pangulong Duterte, si Pangilinan ang dahilan kung bakit umano nagdurusa ang mga Pilipino ngayon mula sa mga batang gumagawa ng krimen.

Sabi ng Pangulo, kung mayroon mang mambabatas sa Mataas na Kapulungan na maituturing na may ginawang “greatest disservice,” ito aniya ay walang iba kundi si Senador Pangilinan.

Ang tinaguriang Pangilinan law kasi ang itinuturo ni Pangulong Duterte na siyang dahilan kung bakit malakas ang loob at walang takot na gumawa ng masama ang mga menor de edad, gayung hindi naman pinapananagot sa krimeng nagawa ng mga ito.

Kaya para sa Pangulo,  hindi dapat na mapabilang sa Senado si Pangilinan bagama’t may tinatanaw siyang utang na loob dito noong siya’y alkalde pa lamang ng Davao. | ulat ni Alvin Baltazar