Sen. Poe, nagpahayag ng kanyang pagtutol sa ipinalulutang na no-election scenario sa 2019
July 12, 2018

Nagpahayag si Sen. Grace Poe ng pagtutol sa umano’y planong pagkansela sa 2019 midterm elections. Kumpiyansa siyang hindi papayagan ito ng Senado na mangyari.

Ayon kay Poe, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na magkakaroon ng eleksyon sa 2019 at maaari lamang ito mabago kapag inamyendahan ang batas. Gayunpaman, kailangan pa rin aniya ang boto ng Senado sa isyung ito.

Ang pahayag ni Poe ay kanyang ginawa bilang reaksyon sa pinalutang ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ideya na walang magaganap na eleksyon sa pagsasabing mahalagang tanggalin ang botohan sa Mayo 2019 para makagawa ng madaling daan para sa pederalismo.

Iginiit ni Poe na anumang galaw ng Kamara ay mangangailangan ng pagsang-ayon ng Senado.

Punto ng mambabatas, bicameral ang Kongreso at sa paggawa ng batas ay hindi maaaring mag-isa ang Kamara sa pagpasa ng anumang panukalang batas nang walang kaukulang pag-sang-ayon mula sa Senado. | ulat ni Jojo Ismael