Sen. Villar, nananatiling pinakamayamang Senator ayon sa kanyang 2017 SALN
May 17, 2018

Nananatili pa rin si Senator Cynthia Villar bilang pinakamayamang miyembro ng Senado batay sa kanyang idineklarang statement of assets, liabilities and networth (SALN) para sa taong 2017.

Ayon sa kanyang 2017 SALN, ang networth ni Villar noong December 31, 2017 ay nasa 3.6 na bilyong piso. Wala rin siyang idineklarang pagkakautang o liability.

Sumunod bilang pangalawang pinakamayamang senador ay ang boxing icon na si Senator Manny Pacquiao na may 2.9 na bilyong piso sa kanyang SALN, subalit mayroon siyang idineklarang pagkakautang sa bangko sa halagang 129.7 milyong piso.

Ang walong iba pang senador na nakapasok sa pangunahing sampung pinakamayamang senador ay sina Sen. Ralph Recto na may asset na P538.8 million, Migz Zubiri na may P152 million, Sonny Angara sa halagang P131.7 million, Franklin Drilon na may P93.7 million, Grace Poe sa halagang P90.6 million, Win Gatchalian na may P88.2 million, JV Ejercito sa halagang P78.9 million at Richard Gordon na may total asset na P69.5 million.

Samantala, ang pinakamahirap na senador ay si Senador Antonio Trillanes na may asset na P6.8 million.

Si Senate President Koko Pimentel ay nasa pang-anim sa pinakamahirap na senador na may asset na P18.1 million. | via Jojo Ismael