Sotto, nanindigan na nasa kapangyarihan ng Kongreso ang pagpapaliban ng araw ng pagdaraos ng halalan
July 13, 2018

Pinanindigan ni Senate President Tito Sotto ang kanyang naunang pahayag na ang petsa ng araw ng pagdaraos ng halalan ay maaaring mapalitan sa pamamagitan ng isang batas.

Ayon kay Sotto, malinaw na nakasaad sa Section 8, Article VI ng 1987 Constitution na maaaring ipagpaliban ang araw ng halalan sa ibang araw. Subalit kapag ang bagong petsa na itatakda ay lagpas sa term of office ng mga senador o kongresista, hindi na sila maaring magpatuloy sa kanilang puwesto o magkakaroon ng holdover capacity.

Paglilinaw pa ni Sotto na ang term of office na itinatadhana sa batas ay hindi maaaring mapalawig bilang epekto ng batas na nagbabago sa araw ng pagdaraos ng eleksyon.

Subalit  kapag ang intensyon ng pagpapalit ng petsa ng araw ng election ay para palawigin ang term of office ng mga miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso para magkaroon pa sila ng panahon para sa gagawing Charter Change, sinabi ni Sotto na kailangan na ang pag-amiyenda sa Konstitusyon.

Ginawa ng Senate President ang paglilinaw makaraan na kontrahin ni Senador Chiz Escudero ang kanyang naunang pahayag at nagsabing walang kapangyarihan ang Kongreso, sa ilalim ng Konstitusyon para ipagpaliban ang naitakdang halalan partikular na ang 2019 midterm elections.  | ulat ni Jojo Ismael