Sotto: Tatalakayin sa all-senators’ caucus ang panukalang Federal Constitution na inihanda ng ConCom sa susunod na linggo
July 13, 2018

Magpupulong  sa isang linggo ang lahat ng mga senador sa isang panlahatang caucus kung saan pangunahin nilang tatalakayin ay kung paano nila maisisingit sa kanilang masikip nang iskedyul ang pagtalakay sa panukalang Federal Constitution na inihanda ng Consultative  Commission o ConCom.

Makaraan na matanggap kahapon ng Senado mula sa Consultative Commission ang kopya ng 114 na pahinang draft Federal Constitution, sinabi ni Senate President Tito Sotto na agad niyang idi-distribute ngayong weekend ang kopya nito sa lahat ng kasamahang senador upang agad nilang mapag-aralan.

Aniya, mag-uusap din sila ni Senador Kiko Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes and Laws, bago siya magpatawag ng all-senators’ caucus.

Noong Lunes, nai-turn over na ng Consultative Commission ang final draft ng Federal Constitution kay Pangulong Rodrigo Duterte at inaasahang kanyang pormal na ita-transmit naman sa Kongreso sa araw ng kanyang State of the Nation Address o SONA sa ika-23 ng Hulyo.

Ang panukalang Federal Constitution ay ang magbibigay daan para sa pagpapalit ng sistema ng gobyerno tungo sa pederalismo.  | ulat ni Jojo Ismael