SP Sotto, hindi papansinin ang komento ng ilang mambabatas kontra sa Senado
April 16, 2019

Ayaw nang patulan ni Senate President Vicente Sotto III ang mga pahayag ng ilang mambabatas sa Kamara kontra sa Senado.

Matatandaang sinabi ni House Appropriations Committee chair Rolando Andaya na nagbubunyi ang senado sa pag-veto ng Pangulo sa budget dahil napanatili ng mga senador ang kanilang ‘pork’.

Giit ni Sotto, alam ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang gabinete kung ano ang dapat itaguyod at kung ano ang ‘pork’.

Sinabi ring muli ni Sotto, na ginawa ng senado ang amendments sa budget para mapondohan ang mga importanteng programa ng gobyerno.

Kabilang aniya dito ang pagsasaayos sa mga pasilidad ng mga ospital, modernisasyon ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at iba pa.

Sinabi rin ng lider ng senado, na ang pag-veto ng Pangulo sa mga non-priority infrastructure projects ay isang paraan para matiyak na hindi masasayang ang pondo ng pamahalaan. | ulat ni Nimfa Asuncion