Spox Panelo, nagtanggal ng kanyang social media accounts matapos mabiktima ng scam
December 06, 2018

Nagbabala ang Palasyo ng Malacañang sa publiko laban sa mga taong gumagamit ng mga pangalan o tanggapan ng sinumang opisyal para makapangikil o makapanghingi ng pera sa publiko.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, nakarating na sa kanyang kaalaman na may gumagamit ng kanyang pangalan para makapanghingi o makalikom ng salapi.

Sinabi ni Panelo, na inilapit na niya ang usapin na ito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang magkaroon ng mas malalim na imbestigasyon.

Sinabi din ni Panelo, na tinanggal na niya ang lahat ng kanyang mga social media account kaya kung mayroon man aniyang gumagamit ng kanyang pangalan sa social media ay siguradong fake accounts ang mga ito.

Umapela si Panelo sa publiko na dapat ay maging alerto sa mga ganitong scam na gumagamit ng pangalan ng mga opisyal ng pamahalaan. | ulat ni Alvin Baltazar