Taga ABS -CBN, isa sa mga napipisil ng Pangulong Duterte na maitalagang Press Secretary
November 09, 2018

Sa gitna ng iba’t-ibang mga pangalan na lumutang bilang mauupong Press Secretary, nagpahaging na si Pangulong Rodrigo Duterte kung sino ang posibleng kanyang italaga bilang magiging pinuno ng Office of the Press Secretary (OPS).

Ito ay sa sandaling maglabas na ng Executive Order ang Malacañang para sa muling pagbabalik ng OPS, na binuwag ng nakaraang administrasyong Aquino at pinalitan ng Presidential Communication Operations Office (PCOO).

Ayon sa Pangulo, naghahanap siya ng kanyang ipupuwesto sa OPS at ang gusto niya ay isa ring media man.

Nang tanungin kung sino ang media man na kanyang nais maitalaga sa gabinete, sinabi na lamang ng Presidente na ito ay taga ABS-CBN.

Una dito’y sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar, na ang nais ng Pangulo na hiranging Press secretary ay siya na ring magsisilbing Presidential Spokesperson.

Ang tanging clue lamang na ibinigay ng kalihim na naikukunsiderang maging OPS Chief, ito ay isang magandang lalake. | ulat ni Alvin Baltazar