Villanueva, isinusulong ang karapatan ng indigenous peoples sa isinasapinal na panukalang BBL
July 12, 2018

Habang isinasapinal na ng Bicameral Conference Committee ang pinagsanib na bersyon ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), ipinatitiyak ni Senador Joel Villanueva na hindi maisasantabi ang mga karapatan ng mga indigenous peoples (IPs) sa pagtitibaying panukalang hakbangin.

Tinukoy ni Villanueva na sa bersyon ng Senado ng panukalang BBL, ang IPs ay may karapatan para sa patas na parte o hati mula sa mga kita na makukulekta mula sa mga likas na yaman na matatagpuan sa mga teritoryong sakop ng isang native o traditional title sa loob ng lilikhaing Bangsamoro territory.

Subalit sa bersyon ng Kamara, walang nababanggit na ganitong probisyon na nagsisiguro sa karapatan ng mga katutubo nating kababayan sa loob ng Bangsamoro region.

Naniniwala si Villanueva na ang bersyon ng Senado ay naaayon sa mga umiiral na pambansang batas kung kaya’t inaasahan na ito’y maipatutupad din ng Bangsamoro government.

Ang panawagan ni Villanueva ay agad din namang sinang-ayunan ng mga kongresista na nasa Bicam. | ulat ni Jojo Ismael