Vote buying, kaya pang masolusyunan para kay Presidential Spox Panelo
May 15, 2019

May nakikitang posibleng solusyon si Presidential Spokesperson Salvador Panelo upang mawakasan na ang vote buying sa tuwing halalan.

Para kay Panelo, mas maiging huwag nang balikatin ng mga kumakandidato ang gugugulin sa kanilang pangangampanya.

Sa halip, mas makabubuting ang gobyerno na mismo ang gumastos sa pagtakbo ng mga kandidato, na gaya ng ginagawang polisiya ng ibang mga bansa.

Sa Estados Unidos, ayon kay Panelo, ganito ang klase ng polisiyang ipinatutupad. Sa halip na maghanap pa ng pondong mapagkukunan ang mga tumatakbo, gobyerno na ang bumabalikat ng campaign funds.

Pero, pagbibigay-diin ng tagapagsalita ng Pangulo, na sarili niya itong pananaw, at walang anumang kinalaman dito ang Presidente.  | ulat ni Alvin Baltazar