Walang order sa pulis na pigilan si Sen. Trillanes na makapasok uli sa Senado kung umalis ito – PNP Spox Durana 
September 14, 2018

Walang order sa mga pulis na pigilan si Sen. Antonio Trillanes na makabalik sa Senado sa oras na umalis ito pauwi ng bahay.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Sr. Supt. Benigno Durana, ito ay hakahaka lang ng kampo ng senador, pero sa kanyang pagkakaalam, walang kautusang ganito ang liderato ng PNP.

Tungkol sa patuloy na presensya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa labas ng Senado, sinabi ni Durana na ito ay judgement call ng CIDG.

Aniya, nagiging pro-active lang para sa anumang kaganapan ang CIDG sa kanilang patuloy na pagbabantay sa Senado.

Kung babantayan din ng CIDG ang bahay ni Trillanes pag umuwi ito, sinabi ni Durana na bahala nang mag-desisyon si CIDG Director Roel Ubusan ukol dito dahil hindi nag-ma-micro-manage ang liderato ng PNP.

Pero wala aniyang dapat pangambahan ang senador tungkol sa posibleng pag-aresto sa kanya, dahil malinaw naman ang kautusan ng Pangulo na walang mangyayaring pag-aresto kung walang arrest warrant.  | ulat ni Leo Sarne