29 COVID-19 patients sa Makati Med, naka-recover na
By Hajji Kaamiño - March 31, 2020 , 1:16 pm

Inanunsyo ng Makati Medical Center na gumaling at nakalabas na ang 29 mula sa 103 coronavirus disease (COVID-19) patients.

Ayon kay Medical Director Dr. Saturnino Javier, bumuti ang lagay ng mga pasyenteng nasa edad 40 hanggang 60 at nag-negatibo na sa virus.

Hindi naman kasi aniya nangangahulugan na kapag nagpositibo sa COVID-19 ay sinesentensiyahan na ng kamatayan ang indibidwal na tinamaan.

Sa ngayon ay 35 indibidwal na tinamaan ng virus ang ginagamot sa MMC habang nasa 50 ang persons under investigation (PUIs) matapos makitaan ng sintomas.

Iginiit ni Javier na sinusundan nila ang “best practices” ng ibang bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng broad spectrum antibiotics, anti-viral drugs, Vitamin C at Zinc habang ginagamitan ng ventilators ang mga pasyenteng hirap sa paghinga.

Sa sandaling gumaling ang pasyente at mag-negatibo ang resulta ng test ay pinauuwi na ang mga ito subalit mahigpit na imo-monitor sa loob ng dalawang linggo at pagsusuotin ng face mask at saka muling isasailalim sa testing.

Paliwanag ng opisyal, kung hihintayin pa nilang matapos ang dalawang COVID-19 tests at magnegatibo ay mapupuno ang ospital at hindi na sila makakapag-accommodate.

YOU MIGHT ALSO LIKE