3 terminal ng NAIA, handa na sa pagbabalik ng commercial flights sa ilalim ng GCQ
By Hajji Kaamiño - June 1, 2020 , 7:09 am

Handa na ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa inaasahang pagbabalik-operasyon ng airline companies ngayong ibinaba na sa General Community Quarantine ang restriction sa National Capital Region.

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, tutukuyin nila ang gagamiting terminal sa NAIA depende sa bilang ng biyahe at tanging mga flights na aprubado ng Civil Aviation Authority of the Philippines ang ikokonsidera sa slotting.

Inatasan na aniya ang terminal managers na paghandaan ang pagbabalik ng flights sa GCQ to GCQ areas pero sa ngayon ay pinaplantsa pa ang detalye ng domestic flights dahil may mga local government units na hindi pa handang tumanggap ng pasahero.

Ang NAIA Terminal 1 ay gagamitin sa international commercial flights, Terminal 2 para sa repatriation, sweeper flights at commercial flights ng Philippine Airlines, Terminal 3 sa Cebu Pacific at AirAsia habang mananatiling sarado ang Terminal 4.

Paliwanag ni Monreal, ginawa ito para i-maximize ang paggamit sa tatlong terminal at upang balansehin ang epektibong flight operations at gastos.

Samantala, 400 pasahero kada araw lamang ang papayagan sa inbound international operations sang-ayon sa ipinatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging and Infectious Diseases (IATF-MEID).

Umaasa naman ang opisyal na magkakaroon ng bagong oportunidad sa pagbabalik ng operasyon sa paliparan lalo’t tinatayang P1.8-billion pesos ang nawalang kita kumpara noong nakaraang taon dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

YOU MIGHT ALSO LIKE