CAAP, pinakakansela sa airline companies ang scheduled flights ngayong araw
By Hajji Kaamiño - June 1, 2020 , 6:57 am

Naglabas ng abiso ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nag-uutos sa airline companies na kanselahin ang lahat ng naka-schedule na domestic flights ngayong araw kahit pa niluwagan na ang community quarantine sa bansa.

Batay sa CAAP advisory na nilagdaan ni Executive Director Carmelo Arcilla, nabatid na wala pang inaaprubahang ruta para sa domestic air services ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa unang linggo ng Hunyo.

Pinatigil din ng CAAP ang pagbebenta ng airline tickets para sa biyahe ngayong araw.

Una nang inanunsyo ng tatlo sa malalaking airline companies sa bansa ang pagbabalik-operasyon ng kanilang flights sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).

Nakatakdang bumiyahe ngayong Lunes ng gabi ang Philippine Airlines (PAL) patungong San Francisco, USA at nakalatag na rin ang iba pang international flights nito sa Canada, Guam, Vietnam, mainland China, Malaysia, Hong Kong, at Singapore.

Pero sa June 8 pa nakatakdang mag-resume ang domestic flights ng PAL.

Sinabi naman ng Cebu Pacific at Cebgo na magkakaroon sila ng limitadong domestic operations simula bukas, June 2 habang ang AirAsia ay unti-unting ibabalik ang serbisyo sa Miyerkules.

YOU MIGHT ALSO LIKE