Dagdag na budget sa agrikultura, patuloy na itinutulak ng House tax chief upang maibsan ang inflation rate
By Kathleen Jean Forbes - October 7, 2021 , 10:22 am

Ang patuloy na suporta sa agriculture at transport sector ang isa sa nakikitang soluyson ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda upang mapababa pa ang inflation rate ng bansa.

Bagamat welcome para sa house tax chief ang 4.8% inflation rate para sa buwan ng Setyembre ay maaari pa aniya itong mapababa sa pagpasok ng 2022.

Inihalimbawa pa nito ang Bicol na bagamat bumaba na ang food inflation sa 7.9% mula sa 8.2% ay maikokonsidera pa rin itong mataas.

Bunsod nito itinutulak ni Salceda na taasan ng hanggang 10% ang budget ng Department of Agriculture upang patuloy na masuportahan ang food production at protection programs.

Kinalampag din nito ang mag ahensya na nagpapatupad sa Rice Competitiveness Enhancement Fund na ipatupad ng maayos ang programa lalo na ang mechanization component upang mapagbuti ang ani.

Kung mapapalakas ng RCEF ang domestic production ay makatutulong ito upang ma-mitigate o mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng bigas abroad gayundin ang presyo ng karne.

Patuloy ding isinusulong ni Salceda ang service contracting at active transport para mapababa naman ang transport inflation.

YOU MIGHT ALSO LIKE