DTI, kumpiyansang bubuti ang business outlook ngayong 2021
By Hajji Kaamiño - January 14, 2021 , 1:17 pm

Tiwala si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na magkakaroon ng positibong business outlook ngayong taon sa kabila ng patuloy na paglaban sa COVID-19 pandemic.

Reaksyon ito ni Lopez sa survey ng Social Weather Stations tungkol sa Net Economic Optimism kung saan 42 percent ng mga Pinoy ang umaasang bubuti ang lokal na ekonomiya ngayong 2021.

Patunay aniya ito na bagama’t nakaranas ng setback ang mga negosyo ay nananatili ang katatagan at pagiging maparaan ng mga Pilipino kasabay ng pagtitiyak na susuportahan ng gobyerno ang kanilang pagbangon.

Ipagpapatuloy din ng DTI ang implementasyon ng mga programa sa ilalim ng Rebuild PH campaign o Revitalizing Businesses, Investments, Livelihoods, and Domestic Demand.

Ipinaliwanag ng kalihim na 99.5 percent ng mga negosyo ay micro, small, and medium enterprises kaya palalakasin ng ahensya ang training, mentorship, microfinancing, equipment support, at market development upang maibsan ang epekto ng COVID-19.

Sa pamamagitan nito ay maisasalba ang mga trabaho at mapapalago ang kita na siyang magpapasigla sa ekonomiya.

Samantala, kumpiyansa naman si Lopez na maaabot ng bansa ang forecast na 6.5 percent gross domestic product o GDP recovery ngayong taon.

YOU MIGHT ALSO LIKE