DTI, nilinaw na di bawal mamili sa supermarket ang senior citizens
By Hajji Kaamiño - March 31, 2020 , 8:06 am

Hindi pinagbabawalang mamili sa grocery stores at supermarket ang mga matatandang may edad 60-taon pataas sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.

Ito ang naging paglilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) matapos makatanggap ng mga ulat na may mga senior citizen na ayaw papasukin sa supermarket.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, nakasaad sa inilabas nilang memorandum circular na pinapayagang lumabas ng bahay ang senior citizens at makapasok sa supermarket.

Hinihikayat lamang aniya nila ang matatanda na hangga’t maaari ay huwag nang lumabas dahil sila ang pinakamadaling lapitan ng coronavirus disease.  Pero kung walang ibang pwedeng bumili ng supplies sa bahay ay hindi sila pinagbabawalang mamili.

Sa katunayan, iginiit pa ni Lopez na dapat ay may priority lane para sa senior citizens upang hindi na sila pumila sa labas.

Nanawagan din ang kalihim sa grocery stores na huwag namang mag-operate sa mas maiksing oras dahil ito ang dahilan kung bakit nagsisiksikan at nagmamadaling makapasok ang mga mamimili na inaabot ng isa hanggang dalawang oras sa pila.

YOU MIGHT ALSO LIKE