Ilang matataas na opisyal ng DOTr, inireklamo ng private emmission testing centers sa ARTA
By Michael Rogas - June 30, 2020 , 12:53 pm

Nagpasaklolo na sa Anti-Red Tape Authority o ARTA ang mga may-ari ng private emission testing centers dahil sa umanoy kawalan ng aksyon ng Department of Transportation (DOTr) para ma-renew ang kanilang mga accreditation.

Sa reklamong ipinadala ng grupo sa tanggapan ni ARTA Director General Jeremiah Belgica, pinaiimbestigahan nila ang dalawang tanggapan sa DOTr kabilang na ang Franchising Review Staff (FRS) at Investigation, Security and Law Enforcement Service.

Ito ang dalawang magkahiwalay na opisina na pawang pinamumunuan ni Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr. na siya ring tumatayo bilang undersecretary for Administrative Services ng DOTr.

Batay sa reklamo, hindi nga sila napabilang sa  700 mga emission testing centers na ipinasara na ng ahensya pero inuupuan lamang daw ang kanilang application for renewals kaya’t nauuwi din sa pagkapaso ang kanilang mga accreditation.

Samantala, sa hiwalay na petisyon ay lumiham naman kay DOTr Secretary Arthur Tugade ang Motorcycle Phils Federation na humihiling na kanselahin muna ang pagpapasailalim ng kanilang sasakyan sa emission testing.

Ayon kay Director for Admin Arturo Sta. Cruz, ito ay dahil sa mahabang mga pila sa motor vehicle inspection service ng LTO at hindi na raw nasusunod ang social distancing protocol.

Nangyayari ito dahil wala na silang ibang mapuntahang mga private emission testing centers na naipasara na ng DOTr mula pa noong 2019.

Una na ring inireklamo ng patung-patong na kaso sa Ombudsman si Usec. Tuazon dahil sa umanoy walang basehang pagpapasara sa 700 mga private emission testing centers sa iba’t ibang lugar sa bansa.

YOU MIGHT ALSO LIKE