Isa pang barangay sa Davao, isinailalim sa State of Calamity dahil sa ASF 
By Sheila Lisondra | RP1 Davao - February 21, 2020 , 4:30 pm

Isinailalim sa State of Calamity ang isa pang barangay sa lungsod ng Davao matapos magpositibo sa African Swine Fever (ASF) ang ilan sa mga baboy sa nasabing lugar.

Kasabay ng pagdeklara ng State of Calamity sa Barangay Inayangan, Calinan District nitong lungsod ay inaprubahan rin ang pagpapalabas ng P32-million na financial assistance para sa mga apektadong hog raisers at pondo para sa disinfectant at iba pang ekipahe na gagamitin sa culling at disinfecting operation.

Ayon kay Dr. Cerelyn Pinili, hepe ng City Veterinary Office, posibleng ang pagdadala ng infected na karne sa nasabing baranggay ang dahilan ng kontaminasyon.

Napag-alaman na ang Barangay Inayangan ay kalapit na barangay lamang ng Barangay Lamanan na una nang idineklarang nasa ilalim ng State of Calamity dahil sa ASF kasabay ng Barangay Dominga noong unang mga araw ng Pebrero.

Aabot sa 913 na baboy ang nakatakdang katayin upang mapigilan ang pagkalat ng ASF sa iba pang lugar.

YOU MIGHT ALSO LIKE