Liham ng 2 water concessionaires kay Pangulong Duterte, inilabas ng Palasyo
By Alvin Baltazar - December 13, 2019 , 12:59 pm

Isinapubliko na ng Malacañang ang liham ng Maynilad at ng Manila Water kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang hakbang ay ginawa kasunod ng naging pahayag ng Chief Executive nito lamang Miyerkules na kanyang ilalantad sa madla ang naturang liham ng dalawang water concessionaires.

Nakasaad sa liham ng Maynilad ang kahandaang makipagtulungan sa gitna ng paninindigan ng Pangulo na dapat baguhin ang ilang mga probisyon sa binansagan ng Punong Ehekutibo na tagilid na kontrata.

Ang liham ay pirmado ni Ginoong Ramoncito Fernandez , President at CEO ng Maynilad.

Sa kabilang banda’y nakasaad naman sa liham sa Pangulo ng Manila Water ang pasiyang hindi na magpapatupad ng water hike sa susunod na taon gayundin ang hindi na paniningil ng higit P7-bilyong piso na naipanalo nito sa Singapore Arbitral Ruling.

Hirit din ng Manila Water sa Pangulo ng magkaroon ng re-negotiation sa ilang probisyon ng concession agreement.

Ang liham ay pirmado ni Ginoong Fernando Zobel de Ayala na may petsa ring Disyembre 10.

 

YOU MIGHT ALSO LIKE