Marawi City sa mga negosyante: Mamuhunan sa lungsod para sa kanilang pagbangon
By Armando Fenequito/RP1 Davao - August 14, 2019 , 3:36 pm

Iniimbita ngayon ni Marawi City Mayor Majul Gandamra ang lahat ng mga negosyante sa bansa na mamuhunan sa kanilang lungsod, sa muling pagbubukas ng most affected area o ang tinatawag na Ground Zero, bago pa man matapos ang kasalukuyang taon.

Sa panayam kay Gandamra, sinabi nito na malaki ang maitutulong ng mga negosyante sa kanilang pagbangon mula sa trahedya na hatid ng Marawi siege, dalawang taon na ang dumaan.

Ayon sa alkalde, sisiguruhin nito ang kaligtasan ng mga negosyante at ng kanilang mga negosyo habang nasa loob sila ng lungsod, sa pakikipagtulungan sa kasundaluhan at kapulisan.

Marami-rami na rin ang mga establisimyento sa loob ng lungsod sa ngayon, dahil, dahan-dahan nang bumabalik sa normal ang pamumuhay dito.

Inaasahan na magsisimula na rin ang mga proyekto ng gobyerno sa loob ng Ground Zero ngayong Nobyembre, kapag natapos na ang paglilinis nito mula sa mga debris at mga pampasabog.

Paliwanag ni Gandamra, malaki ang maitutulong ng mga proyekto ng gobyerno sa pag-engganyo ng mga mamumuhunan sa lungsod.

YOU MIGHT ALSO LIKE