Myanmar, Malaysia nahigitan ng Pilipinas sa internet speed sa mobile broadband
By Lorenz Francis Tanjoco - February 22, 2021 , 10:43 am

Nahigitan na ng Pilipinas ang Malaysia at Myanmar pagdating sa internet speed sa mobile broadband.

Sa isang forum sa Maynila, sinabi ni
Makati City Representative Luis Campos Jr., na base sa January Speedtest Global Index, ang mobile internet speed sa bansa ay tumaas mula sa 22.50 patungong 25.77 megabits per second (Mbps)

Dahil dito umakyat din ang Pilipinas sa world ranking mula sa dating pang-96 patungo sa pang-86.

Ani Campos kapwa din pinaghahandaan ng Globe at PLDT ang pagpasok ng kanilang bagong ka-kumpetensya na DITO Telecommunity.

Base sa pinakahuling global index, pang-anim na ang Pilipinas sa mobile internet speed sa 10 miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (Asean).

Naungusan ng Pilipinas ang Myanmar (25.21 Mbps, 88th worldwide) at Malaysia (23.74 Mbps, 94th).

At nanatili din nauuna sa Cambodia (19.98 Mbps, 106th) at Indonesia (17.33 Mbps, 121st).

Pinakamabilis naman sa buong mundo ang internet speed sa United Arab Emirates (183.03 Mbps, 1st); South Korea (171.26 Mbps, 2nd); at Qatar (170.65 Mbps, 3rd).

Kaugnay nito isinulong ni Campos na maisabatas ang panukala na magbibigay ng kapangyarihan sa National Telecommunications Commission (NTC) para makapagtakda ito ng compulsory deadlines sa industry players sa paghahatid ng mas mabilis na internet speeds.

Maari ding magpataw ng mas mabibigat na parusa at multa ang NTC.

Layon din ng panukala na gawing basic telecommunications service sa bansa ang high-speed internet.

Ayon kay Campos dahil ang internet connection ay itinuturing na Value Added Service sa bansa, ang mga telecommunications firms ay may layang magtakda ng terms of the service.

YOU MIGHT ALSO LIKE