!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Pangulong Duterte, makakahatak ng turismo sa gagawing paglilibot sa bansa
By Racquel Bayan - February 18, 2020 , 5:29 am

Makakahikayat ng turismo si Pangulong Rodrigo Duterte sa gagawin nitong pag-iikot sa mga tourist destinations sa bansa, kabilang ang Cebu, Boracay at Bohol.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magnet kasi ang Pangulo at ang presensya nito ay palaging nakaka-engganyo ng mga tao upang dumalo sa isang kaganapan.

Sa kasalukuyan, wala pa aniyang pinal na schedule ang Pangulo kung kailan magsisimula ang paglilibot na ito lalo’t kailangan pa itong ayusin ng Appointments Office, Presidential Security Group (PSG) at Protocol.

Samantala, naniniwala naman ang Tourism Department na sakaling sumipa ang domestic tourism sa bansa, posibleng makatulong ito upang habulin ang mawawalang revenue ng tourism sector mula sa international tourism sa gitna pa rin ng usapin sa Corona Virus Disease-19 (COVID-19).

Aminado si Tourism Undersecretary Art Boncato na masyado pang maaga para masabi kung magagawang punan ng domestic tourism ang inaasahang ₱14.8-billion peso revenue loss ng bansa sa international tourism.

Gayunpaman, kung titignan aniya ang datos noong taong 2018, nasa ₱3.3-trillion pesos ang kinita ng lokal na turismo, mas mataas sa ₱2.2-trillion pesos kumpara sa international tourism.

“So malaki pong halaga ng domestic tourism. Konting spike lang po sa domestic tourism, gaya po ng sabi ni Secretary Briones, kung matutuloy po iyong lahat ng events ng Department of Education (DepEd) ay malaking tulong iyon sa pagsigurado na, isang parte ng ekonomiya ay hindi talaga maaapektuhan.  Kung mag-i-increase ay matutulungan po iyong mababawas sa international markets.” —Usec. Boncato.

Sila aniya sa pamahalaan ay magpapatuloy lamang sa pagbibigay ng mga agresibong solusyon upang tugunan ang impact ng COVID-19 sa turismo ng Pilipinas.

YOU MIGHT ALSO LIKE