!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Panukalang anti-Endo sa gobyerno, lusot na sa komite sa Kamara
By Kathleen Jean Forbes - February 21, 2020 , 6:40 am

Lusot na sa committee level sa Kamara ang panukalang batas na layong wakasan ang ‘end of contract’ o ‘Endo’ sa mga government employees.

Ayon kay Iligan City Rep. Frederick Siao, chairperson ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation, inaprubahan ng komite ang substitute bill na nagko-consolidate sa may 14 na panukalang  batas na nagsusulong ng regularization at civil service eligibility ng mga contractual, job order, at casual government employees.

Umaasa si Siao na sa pamamagitan ng naturang panukalang batas ay maiaangat ang kalagayan ng nasa 670,000 na “Endo” workers sa gobyerno, lalo na ang mga nagta-trabaho sa local government units na aabot sa 470,000 employees.

Kasabay nito ay inaprubahan rin ng komite ang House Bill 1485 na layong kilalanin ang Microbiology bilang isang propesyon.

Malaking hakbang ayon kay Siao ang pagkakapasa nito sa gitna ng COVID-19 scare dahil mahalaga ang microbiology sa larangan ng kalusugan at medisina.

YOU MIGHT ALSO LIKE