Patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, dapat nang aksyunan
October 13, 2021 , 11:35 am

Nagpahayag ng pangamba ang ilang senador sa panibagong pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. 

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, kailangan na itong aksyunan kaagad ng gobyerno. 

Giit ni Lacson, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ay may masamang epekto sa buhay ng mga Pilipino na pinapahirapan na ng umiiral na pandemya. 

Sinabi naman ni Senadora Imee Marcos na hindi muna dapat magpatupad ng oil price increase lalo’t umiiral pa rin ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagsasailalim sa Pilipinas sa state of national health emergency hanggang September 2022. 

Dagdag pa ng senadora, na chairperson ng Senate Committee on Economic Affairs, nakabinbin pa rin sa senado ang inihain niyang panukalang batas na magsususpinde sa pagpapataw ng Value Added Tax (VAT) sa petroleum products. 

Pagdating naman sa hiling na taas-pasahe ng mga transport groups, sinabi ni Marcos na matitigil lang ito kung titigil na rin ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.  

May kapangyarihan rin aniya si Pangulong Duterte na ipatigil ang oil price hike kung may national emergency o matinding kalamidad. 

YOU MIGHT ALSO LIKE