POEA, may dagdag na requirements para sa mga employer ng Filipino truck drivers sa Europe 
By Merry Ann Bastasa - June 30, 2020 , 12:37 pm

Inatasan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga employer ng Filipino truck drivers (FTDs) sa Europe na tiyaking may accident insurance coverage at comprehensive vehicle insurance na ibibigay sa mga Pinoy worker.

Nakapaloob ito sa inilabas na Memorandum Circular No. 14 bilang additional requirements para sa deployment ng FTDs na bumabyahe sa Europe.

Nakasaad din dito na kailangang sagutin ng employers ang pagkuha ng driver’s license ng Pinoy worker at bigyan ito ng allowance habang hindi pa naire-release ang lisensya nito.

Pasok rin dapat sa paid work time ng mga FTDs ang buong oras na nagmamaneho nito at iba pang work-related duties gaya ng pagpapaayos ng sasakyan.

Samantala, dahil pa rin sa banta ng COVID-19, ay pinaalalahanan ang mga employer na maglaan ng Personal Protective Equipment sa mga driver

Layon nitong mabigyan ng dagdag na proteksyon ang mga Pinoy worker.

Kaugnay nito, pinagsusumite ng POEA ang mga principal o employer ng FTDs ng verified/authenticated addendum sa kanilang employment contract kung saan nakapaloob na ang mga bagong kondisyon.

YOU MIGHT ALSO LIKE