Pribadong sektor, dapat bigyan ng incentive sa pagbili ng COVID-19 vaccine — Deputy Speaker Abante
By Kathleen Jean Forbes - March 23, 2021 , 12:28 pm

Imbes na pigilan ang private sector na bumili ng COVID-19 vaccine, ay mas dapat bigyan ito ng insentibo upang tumulong sa COVID-19 vaccine rollout ng pamahalaan.

Ito ang punto ni Deputy Speaker at Manila Representative Bienvenido Abante kasunod ng negatibong reaksyon sa umano’y polisiya ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) na pagbawalan ang mga industriya ng SIN products na bumili ng bakuna.

Diin ni Abante, ang patuloy na pagtaas sa bilang ng COVID-19 cases ay patunay na higit ngayong kailangan ng pamahalaan ng tulong ng pribadong sektor upang mabakunahan ang mas maraming Pilipino.

Pinarerebisa rin ng kinatawan sa DOH ang polisiya na kailangan i-donate ng private sector ang bahagi ng kanilang vaccine purchase.

May ilang ulat kasi aniyang lumabas na umaatras ang ilang private companies dahil kailangan nilang mag-donate ng bakuna sa gobyerno.

Ani Abante, ang pagpapabakuna ng private companies sa kanilang empleyado ay sapat nang tulong sa vaccination program ng gobyerno.

Bilang insentibo naman ang mga kumpanya na mababakunahan na ang mga empleyado ay maaaring pahintulutan na bumalik sa 100% operation.

YOU MIGHT ALSO LIKE