Proteksyon ng freelance workers, pinagtibay ng Kamara
By Kathleen Jean Forbes - March 26, 2021 , 11:59 am

Lusot na sa pinal na pagbasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang magbibigay proteksyon sa freelance workers sa bansa.

Sa botong 195-Affirmative ay pinagtibay ng mga mambabatas ang House Bill 8817 o Freelance Workers Protection Act.

Ginagarantiya nito ang ang non-negotiable transactions sa pagitan ng mga employer at freelancer tulad ng kontrata, standard fees, schedule of payments, at iba pang benepisyo.

Ang mga freelancers na kailangan ay physically present sa workplace o field work ay magiging eligible sa nightshift differential.

Habang ang mga itatalaga naman sa delikadong mga lugar ay mabibigyan na rin ng hazard pay.

Kabilang naman sa ipinagbabawal ay ang pagbibigay ng kompensasyon sa freelancer ng lalagpas sa 15 araw mula sa napag-usapang petsa ng pagbibigay ng sahod o kung kailan nito natapos ang serbisyo.

Mahaharap sa multang hindi bababa sa P50,000 at hindi hihigit sa P500,000 ang mga lalabag na hiring parties o employers.

Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines School of Labor and Industrial Relations (UP-SOLAIR), ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamaraming online freelancers sunod sa Estados Unidos at India.

Sa kabuuan ay nasa 1.5 million ang freelancers sa bansa at inaasahan pa itong lolobo sa mga susunod na taon dala na rin ng nararanasang pandemya.

YOU MIGHT ALSO LIKE