!-- Global site tag (gtag.js) - Google Analytics -->
Sen. Villar, nanindigang walang nangyaring pakikipag-usap kay Pangulong Duterte hinggil sa pagtake-over nila sa water services ng MM
By Hajji Kaamiño - December 13, 2019 , 12:48 pm

Nanindigan si Senador Cynthia Villar na walang nangyaring usapan sa pagitan ng kanilang pamilya at ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa posibilidad na i-take over ang water services sa Metro Manila.

Reaksyon ito ni Villar matapos dumalo ang Pangulo sa kaarawan ng kanyang asawang si dating Senador Manny Villar at sa pagbubukas ng The Tent sa Vista Global South, Las Piñas City.

Sa panayam ng media sa Parol Festival sa lungsod kaninang umaga, sinabi ni Sen. Villar na malapit na magkaibigan lamang ang kanyang mister at si Pangulong Duterte.

Sa katunayan, tuwing nagkikita aniya sila ay walang anumang pinag-uusapan tungkol sa politika kaya hindi dapat kulayan ang pagdalo ng Punong Ehekutibo sa birthday event.

Naniniwala ang senadora na mahaba pa ang diskusyon ukol sa kontrata ng Maynilad at Manila Water sa gobyerno.

Bukod pa rito, hindi basta-basta mabibili ang water concessionaires at kailangan pang makakuha ng prangkisa.

Mababatid na kabilang sa mga kumpanyang lumutang bilang susunod na hahawak sa water services ng Natiinal Capital Region at mga karatig lalawigan ang Prime Water Infrastructure Corporation na pagmamay-ari ng mga Villar.

Sa mga nakalipas na taon ay nabili ng Prime Water ang ilang local water utilities sa probinsya.

YOU MIGHT ALSO LIKE